Puwedeng kuwestiyunin ang maling asal at panagutin ang nagkamali, pero hindi ito nagbibigay ng karapatang hamakin ang kaniyang pagkatao. Hindi kailangang maging produktibo, mahusay magsalita, o kayang ipagtanggol ang sarili bago igalang. Kahit kayang sumagot o lumaban, hindi nagiging tama ang panghahamak.
Ang kapansanan ay hindi kabawasan sa pagkatao, at ang kakayahan o kasikatan ay hindi nagbibigay ng mas mataas na dignidad. Hindi kailangang kaawaan o gawing inspirasyon ang mga PWD/PSN para kilalanin ang kanilang halaga at karapatan. Mali ring ituring na normal ang paghingi ng patunay ng kakayahan o pakinabang bago igalang ang isang tao.
Kapag kinokondena ang panghahamak sa isang kilalang tao pero pinalalampas ang ganoon ding pagtrato sa isang ordinaryong tao, malinaw ang dobleng pamantayan. Ganoon din kapag sariling panig o interes ang batayan ng pagkondena. Diyan pumapasok ang kaipokrituhan: sinasabing mali ang panghahamak, pero namimili kung kaninong dignidad ang ipagtatanggol.
Hindi kailangang patunayan ng hinamak na karapat-dapat siyang igalang. Ang kailangang patunayan ay kung kaya nating kondenahin ang panghahamak kahit walang sikat na pangalan o pansariling pakinabang.