May mga kabataang kabisado ang viral, pero kulang sa pag-unawa sa sariling kasaysayan. Hindi sapat na kilala lang ang mga bayani kung hindi nauunawaan kung ano ang kanilang ipinaglaban. May mga nakatatandang ipinagmamalaki ang kultura, pero mas inuuna ang pagpuna sa kabataan kaysa maglaan ng panahon upang ipaliwanag at ituro ang kahalagahan nito.
Hindi awtomatikong nawawala ang kasaysayan dahil hindi ito trending. Nananatili ang mga aklat, monumento at iba pang bakas ng nakaraan. Pero kapag pangalan at simbolo na lang ang kilala natin, habang hindi nauunawaan ang dahilan at kahalagahan ng mga ito, mas malalim na ang pagkukulang kaysa simpleng pagkalimot.
Hindi naman kailangang alam natin ang lahat para may maituro. Pero kung alam nating mahalaga ang kasaysayan at kultura, may pagkakataon tayong ipaliwanag ito, at puro paninisi pa rin sa kabataan ang ginagawa natin, may sarili rin tayong pagkukulang na dapat harapin.
Hindi naipapasa ang pag-unawa sa kasaysayan at kultura sa puro paninisi. Kailangan din itong ipaliwanag at ituro.