Hindi kailangang ikaw ang target market para makuwestiyon ang paraan ng pagnenegosyo. At kahit maraming tumatangkilik, hindi ibig sabihin na tama na ang lahat o hindi na dapat suriin kung paano ginagamit ang sexual appeal para makahikayat ng customer.
Hindi awtomatikong mali ang pagiging sexy, revealing na pananamit, o paggamit ng sexual appeal sa negosyo. Nagiging sexual objectification kapag ang server ay itinatampok na parang katawan na lang ang mahalaga, habang naisasantabi ang kanyang pagkatao. At kapag ginagamit ang kita para balewalain ito, hindi na lang paraan ng pagbebenta ang usapan. Pati prinsipyo ay handang isantabi para sa negosyo.
May karapatan ang bawat isa sa sariling kagustuhan, at hindi iyon ang kinokondena. Ang kaplastikan ay kapag magkaparehong gawain ang hinuhusgahan natin nang magkaiba—kinokondena kapag hindi natin gusto, pero ipinagtatanggol kapag tayo mismo ang naaaliw. Dito nagiging palusot ang kanya-kanyang gusto para pagtakpan ang dobleng pamantayan. Hindi nagiging tama ang isang bagay dahil lamang tayo ang nasisiyahan dito.
Ang tunay na paninindigan ay hindi dapat nakadepende sa kung sino ang kumikita, sino ang naaaliw, o kung kailan tayo nakikinabang.