Magkaiba ang pagbubunyag ng maling gawain na may sapat na ebidensiya at pampublikong interes, at ang paggamit sa buhay at kahihiyan ng iba para makahakot ng atensyon. May pananagutan ang creator sa mapaminsalang content na ginagawa at ipinapakalat, pero may bahagi rin ang audience na tumutulong para mas marami ang makakita nito.

Kapag taong gusto o hinahangaan ang sinisiraan, unfollow at mass report ang panawagan laban sa creator. Pero kapag taong ayaw ang pinapahiya, like, heart at share naman kahit kaparehong mapaminsalang gawain ang ginagawa. Hindi ang gawain ang nagbago, kundi kung sino ang tinatamaan.

Kung tunay na prinsipyo ang pinaninindigan, dapat pareho ang pamantayan kahit sino ang tinatamaan. Hindi puwedeng kondenahin ang pagsasamantala kapag taong gusto ang napapahiya, pero tangkilikin kapag taong ayaw ang tinatamaan. Kaplastikan ang magkunwaring laban sa ganitong gawain habang nagbibigay ng atensyon at suporta sa kapareho. Hindi ang paninira ang tinututulan, kundi kung sino ang pinupuntirya nito.

Walang tunay na pagbabago kung creator lang ang pinapalitan, pero patuloy na pinapasikat ang kaparehong mapaminsalang content.