May mga pangalan, galaw, at detalye ng operasyon na hindi dapat ilantad sa publiko dahil maaari nitong makompromiso ang lehitimong misyon. Pero pera ito ng bayan, kaya hindi nawawala ang pampublikong layunin at pananagutan sa paggamit nito.

Lehitimo ang confidential fund kapag may totoong operasyon, mapatutunayang recipient, financial trail, at aktuwal na resultang kayang beripikahin sa awtorisadong proseso. Hindi kailangang isapubliko ang lahat, pero kailangang may secure na paraan upang mapatunayan kung saan napunta ang pera at kung ano ang naging resulta.

Kapag napatunayang peke ang operasyon o recipient, o labag sa batas o layunin ang gastos, wala nang lehitimong operasyong pinoprotektahan. Corruption fund na ang pinatakbo dahil pera ng bayan ang ipinondo sa katiwalian, habang ang confidentiality ang ginawang takip sa pananagutan.

Kapag katiwalian ang pinondohan, pera at serbisyong para sa bayan ang nawawala.