Kapag bumababa ang krimen at tumatahimik ang mga tao dahil sa takot, madaling isipin na payapa na ang isang lipunan. Ngunit sapat na ba ang katahimikang dulot ng pangamba upang masabing nakamit na ang tunay na kapayapaan?
You can't talk peace with a gun. The same way, you can't call fear “peace.”
May mga pagkakataong bumababa ang krimen, tumatahimik ang mga komunidad, o nagiging mas maingat ang mga tao dahil sa takot. Totoong kayang pigilan ng takot ang kilos ng tao. Ngunit ang mahalagang tanong ay kung sapat na ba iyon upang tawaging tunay na kapayapaan.
Ang takot ay kayang magpatigil. Kaya nitong magpatahimik. Kaya nitong magpasunod. Ngunit ang pagsunod dahil sa pangamba ay iba sa pagsunod dahil sa paggalang sa batas at paniniwalang may patas na hustisya. Kapag ang tao ay sumusunod lamang dahil natatakot sa maaaring mangyari sa kanya, hindi ibig sabihin na nagbago na ang pag-iisip, ugali, o ang mga ugat ng problemang nagtutulak sa krimen at karahasan.
May katahimikang bunga ng takot, at may kapayapaang bunga ng hustisya, pananagutan, at tiwala sa batas. Magkaiba ang dalawa.
Ang katahimikan ay maaaring makamit sa pamamagitan ng matinding pangamba. Ngunit ang tunay na kapayapaan ay mas matibay. Nabubuo ito kapag alam ng mamamayan na may pananagutan ang may sala, may proteksiyon ang inosente, at ang batas ay ipinatutupad nang patas at hindi ayon sa kapritso o takot.
Ipinakikita rin ng mga pag-aaral sa criminology, human behavior, at peace research na ang takot ay maaaring maging epektibo sa agarang pagpigil ng ilang kilos, ngunit hindi ito sapat bilang pangmatagalang pundasyon ng kapayapaan. Mas nagiging matatag ang kaayusan kapag may tiwala ang tao sa mga institusyong nagpapatupad ng batas, nakikita nilang may patas na pananagutan ang lumalabag, at naniniwala silang umiiral ang hustisya. Ang pangmatagalang kapayapaan ay hindi lang usapin ng lakas ng parusa, kundi ng lakas ng Rule of Law at ng tiwala ng mamamayan dito.
Hindi ibig sabihin nito na walang lugar ang lehitimong paggamit ng puwersa laban sa mga tunay na banta. May tungkulin ang estado na protektahan ang mamamayan at ipatupad ang batas. Ngunit magkaiba ang paggamit ng lehitimong puwersa sa paggawa ng takot bilang pangunahing pundasyon ng kapayapaan.
Kung ang kapayapaan ay pangunahing nakasalalay sa takot na mapatay, mahalagang itanong kung tunay bang kapayapaan ang umiiral, o katahimikang dulot ng pangamba. Dahil kapag ang pundasyon ng kaayusan ay takot lamang, nananatili itong marupok. Kapag humina ang takot, maaaring bumalik ang mga problemang hindi kailanman tunay na nalutas.
Madaling lumikha ng katahimikan gamit ang takot. Mas mahirap, ngunit mas matibay, ang bumuo ng kapayapaang nakaugat sa hustisya, pananagutan, at tiwala sa batas.